(For the English version of this piece: Why I Use English?)
May isa kong kaibigang nagtanong bakit hindi daw ako nagsusulat sa Tagalog e Filipino naman ako. Napaisip tuloy ako ng 'di oras. Naisip ko, siya nga Filipino hindi niya alam na ang opisyal na wika ng Pilipinas ay hindi Tagalog kundi Filipino. Baka sabihin niya minamaliit ko siya kaya sabi ko na lang "Mas nadadalian kasi ako magsulat sa Ingles."
May isa kong kaibigang nagtanong bakit hindi daw ako nagsusulat sa Tagalog e Filipino naman ako. Napaisip tuloy ako ng 'di oras. Naisip ko, siya nga Filipino hindi niya alam na ang opisyal na wika ng Pilipinas ay hindi Tagalog kundi Filipino. Baka sabihin niya minamaliit ko siya kaya sabi ko na lang "Mas nadadalian kasi ako magsulat sa Ingles."
Napaisip ulit ako sa sagot ko. Bakit nga ba Ingles ang ginagamit ko sa pagsulat? At bakit ba nakikielam ang kaibigan ko e hindi naman siya nagbabasa ng blog ko?
Why, You Using English?
Dahil marami akong oras at Buwan ng Wika naman ngayon, pinagbulay-bulayan ko ang dahilan ng paggamit ko ng Ingles sa pagsulat. Una kong napagtanto na ang haba ng mga pangungusap ko pag Filipino ang ginagamit ko. Nabalisa ako na baka wala ng magbasa ng blog ko kase ang haba tignan. (Siya nga pala, mas mahaba ang wikang Filipino dahil ang pagbabaybay natin ay laging may katinig at patinig. Ang pagbababay sa Ingles ay batay sa tunog ng mga titik. Ang patinig at katinig ay vowel at consonant sa Ingles. Kahit Pinoy ka, I'm sure nosebleed ka!)
Hindi naman sa pagmamayabang pero marunong din naman akong magsulat sa Filipino. "Best in Filipino" kaya ako nung high school. (Ewan ko bakit Ingles ang pangalan ng parangal.) Hindi ulit sa pagmamayabang, kahit guro ako ng Ingles, kaya kong magturo ng balarilang Filipino. (Grammar pala ang ibig sabihin ng balarila. Alam kong medyo inisip mo kung ano iyon.) Alam ko ang tamang paggamit nang "ng" at "nang" (Oo, magkaiba sila ng paggamit.), maipapaliwanag ko ang pokus ng pandiwa at kaya kong ibuod ang Noli at Fili. Muli, hindi sa pagmamayabang, pero masasabi ko na totoo akong bilingual- kaya kong makipagtalastasan sa Filipino at Ingles at hindi Taglish. Hindi ko sinantabi ang pag-aaral ng Filipino para sa Ingles.
English is Formal, Filipino is Impormal
Sa kabila nito, pinili kong magsulat sa Ingles hindi dahil ayokong gamitin ang Filipino. Ngayon ko lang napagtanto na pormal ang tingin ko sa pagsulat. Dahil pormal na uri ng komunikasyon ang pagsulat para sa akin, gagamitin ko ang pormal na wikang kinalakihan ko. Iyon ang Ingles. Lumaki ako sa kulturang may paniniwala na ang Filipino ay impormal na wika samantalang pormal naman ang Ingles.
Pag dumadalo ako sa mga kasiyahan, Ingles ng Ingles yung host hindi naman naiitinindihan nung mga bisita. Porket pormal ang okasyon, magiingles na. Kahit sa paaralan, yung mga naguulat kung maka-Ingles ang galing pero balik sa pagFiFilipino pag kausap na yung mga kapwa mag-aaral. Kahit naman sa telebisyon at radyo, kelan lang naman nauso na Filipino ang wikang ginagamit sa mga balita. TV Patrol ata nagpauso nun eh. Maging sa mga pahayagan, pag broadsheet- Ingles, pag tabloid, Filipino. Pag may SONA dati puro Ingles. Kaya ayun protesta nang protesta mga tao. Hindi maintindihan sinasabi ng pangulo. Nung nanood ako ng impeachment, siyeeeet Ingles na naman! Marami pa kong pwedeng sabihin pero ang nais ko lang naman ipunto ay pormal ang tingin ko sa pagsulat.
Ibig sabihin ba nito ay hindi pormal ang pagsulat na ginagawa ko ngayon? Pag binasa ko siya, ang dating niya ay hindi kasing pormal ng ibang kung naisulat sa blog na ito. Ganun talaga, hindi naman agad-agad magbabago na pagtingin ko. Kelan lang din nauso ang pa-impormal na pagsulat sa Ingles man o Filipino. Ang pakiramdam ko ngayon parang nakikipag-kwentuhan ako sa kaibigan ko. At sa totoo lang, nangungulila na akong makipagkwentuhan sa wikang Filipino. Puro Ingles halos kase ang ginagamit ko dito tapos konting Nihonggo.
Native English Level... Daw
Ngayon magmamayabang na ko, sa tingin ko magaling naman ako makipagwentuhan sa Ingles. Marami ngang nagtatanong sa'kin kung tumira ba ko sa UK o US o anumang U na bansang nag-Iingles. Dahil mayabang ako minsan, naisip ko siyeeettt ang galing ko pala talaga sa wika! Nga pala, Best in English din ako nung high-school. (Hindi na ko nagtaka bakit Ingles ang award.) Akala ko native level na ang Ingles ko. Pero maraming pagkakataon na pinakita sa'kin na kahit anu pang pag-iingles ang gawin ko, Pilipino ako sa puso't diwa. Mas totoo at mas malakas ang pagtawa ko pag ang joke ay sa Filipino. Mas magaan sa pakiramdam ko magsalita sa Filipino. Mas madamdamin ako pag nagsalita sa Filipino. Pag minura ako sa Filipino, mas masakit. Mas nakikita ko yung sarili ko pag ang sinulat ko ay nasa Filipino.
Merong isang kakaibang ugali ang pamilya ng nanay ko na namana ko. Pag nagagalit ako, nag-iingles ako. Yung boyfriend ko tuloy hindi sumasagot kase hindi na nya daw ako naiintidihan. Dahil kakaiba siyang ugali, inisip ko na naman kung bakit ganun. Napagtanto ko na Ingles ang ginagamit ko pag galit dahil sinasala ko ang sarili ko. Ayokong makasakit ng damdamin kaya Ingles na lang. Hindi gaanong masakit pag galit sa Ingles eh. Siguro naghiwalay na kami kung sinalin sa Filipino mga sinabi ko. Iba din ang pagkatao ko pag Ingles ang ginagamit. Ang lumanay ko daw magsalita, mahinhin, mabait, ganyan. Pero sa totoo lang, puro kalokohan lumalabas sa bibig ko pag Filipino ginagamit ko. Natawag na nga kong bully dahil sa mga pinagsasabi ko. Hindi ko mapigil eh. Filipino talaga ako eh.
Sorry, Sususlat Pa Rin Ako in English
Sa kabila ng lahat ng sinabi ko patuloy akong magsusulat sa Ingles. Bakit? Una, pag nag-Filipino ako bababa ang stat ng blog ko. Hindi palabasa ang mga Filipino, nakakalungkot man sabihin. Kung hindi tungkol sa showbiz ang blog mo, wag ng umasa na may magbabasa. Tapos ang mga nangungunang mambabasa ng blog ko hindi mga Pilipino. Ika-apat lang o ikalima lang ang Pilipinas sa stat ko. Dahil dito, mas marami akong maaabot kapag Ingles ang ginamit ko.
Ang pangalawang dahilan ko ay napakalalim- Ingles ang gusto kong gamitin eh. Hindi ko maipaliwanag pero mas nakakaramdam ako ng kalayaan pag nagsusulat ako sa Ingles. Nailalayo ko ang sarili kong pagkatao pag Ingles ang ginagamit ko. Mas malaya akong magkamali o maging boring o maging preachy o maging madamdamin. Hindi ko maintindihan kung bakit ganun pero ganun. Hahaba pa lalo to pag inisip ko kung bakit.
Basta alam ko kahit Ingles ang pagsulat ko, pusong pinoy pa rin ako. (Naks!)
For the English version of this piece: Why I Use English?
For the English version of this piece: Why I Use English?